Pondong bahagi ng 2015 budget, maaring magamit sa eleksiyon

lacson-0512-660x371Nagtataka si dating Senador Panfilo Lacson kung bakit naglaan pa rin ng P424 bilyon na lump-sum ang pamahalaan sa 2015 national budget, kahit nabuking ang anomalya sa pork barrel na kinasangkutan ni Janet Lim-Napoles at matataas na opisyal ng gobyerno.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Lacson na dahil sa nabunyag na P10 bilyon pork barrel scam may mga pulitiko ngayong nakakulong at ang Pork Barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP) ay parehong naideklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema.

“Nakakagulat nahuli na kayo ng taumbayan nung pumutok ang kaso ni Napoles, pinaliwanagan na kayo ng Korte Suprema, eh bakit na naman mag-a-attempt ka pa o anong purpose mo na mag-attempt ka na magdeklara ng savings na hindi pa tapos ang fiscal year?,”

Sinabi ni Lacson na binusisi niya ang 2015 budget dahil nagtataka siyang palaki ng palaki ang pondo ng pamahalaan taun-taon pero bumababa pa ang GDP ng bansa dahil sa under spending ng mga ahensya ng gobyerno.

Nakakapagduda ayon kay Lacson kung bakit itinataas ang halaga ng national budget taun-taon gayong hindi naman ito nagagamit ng buo.

Isa sa inihalimbawa ni Lacson ang P6.24 bilyon na halaga ng lump-sum na inilaan para sa mga regional offices ng Department of Agriculture (DA). Pero nang lumabas ang GAA o General Appropriations Act ay wala na ang P6.24 bilyon.

Sa halip ang nasabing halaga ay nahati-hati na sa mahigit isang libong items.

“Paglabas ng GAA, nawala ang P6.25 Billion na naka aloocate sa DA regional offices. Tapos nagre-appear sa 1,289 items na hati-hati, itemized and very general ang description. Maliwanag na naging PDAF na iyan kasi ang nag-identify ay mga mambabatas,” dagdag pa ni Lacson.

Sinabi ng dating senador na kapag napatunayang may na-realign na budget sa ibang ahensya, malinaw na paglabag ito sa saligang batas. Nakasaad kasi aniya sa desisyon ng Korte Suprema na mahigpit na ipinagbabawal ang cross-border transfer ng pondo o ang paglilipat ng pondo o savings ng ehekutibo sa ahensyang nasa labas ng executive branch.

Naniniwala rin si Lacson na maaring magamit sa eleksyon ang pondo sa 2015 budget na inilaan sa lump-sum.

Sinabi ni Lacson na dahil discretionary ang pondo, ay may laya ang pamahalaan na bigyan ng mas malaking pondo ang isang pulitiko na nais nitong paburan./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...