Phytosanitary inspection sa sibuyas, ipinag-utos ni Pangulong Marcos
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasagawa ng phytosanitary inspection sa mgma smuggled na sibuyas na nakapasok sa bansa.
Ito ay para matiyak na ligtas ang mga sibuyas na ilalabas sa merkado.
“The problem with the onions we’ve been trying… since kasi ang dami nating nahahanap na smuggled onions, pinipilit kong ilabas diyan sa market [and] unfortunately, we do not know the source of these onions. So they all have to be inspected. Hindi puwedeng random,” pahayag ni Pangulong Marcos sa Cabinet meeting na isinagawa ngayong araw.
Nais ng Pangulo na magkaroon ng third-party inspectors na magsasagawa ng phytosanitary inspections para maiwasan ang transboundary diseases.
Nabatid na ilan sa mga nakumpiskang sibuyas ay hindi angkop para kainin base na rin sa isinagawang imbestigasyon.
Ayon sa Pangulo, mas mahal pa ang pagsasagawa ng inspeksyon dahil umaabot sa 5,000 kada kilo, mas mataas pa sa presyo ng sibuyas.
“So ‘yun lang ang quandary natin. We are trying to negotiate with third parties to do the inspection. But right now we are still reviewing all of that,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“They really have to be very safe kasi just one batch na makalusot, maraming magkakasakit talaga. So that’s the situation there,” dagdag ng Pangulo.
Matatandaang umabot na sa P700 ang kilo ng sibuyas sa merkado.
Una nang sinabi ni Customs Commissioner Yogi Felimon Ruiz, na plano nilang i-donate ang mga nakumpiska nilang agricultural products, kabilang ang mga sibuyas sa Kadiwa stores.
Ayon kay Ruiz, mayroong mahigit 500 container vans ng smuggled na agricultral items ang nanatili pa sa mga pantalan na pawang kumpiskado na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.