Ginisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFRB) ang mga opisyal ng Taxi Philippines/ Grab dahil sa paniningil ng surge fee sa mga pasahero.
Sa public hearing na ipinatawag ng LTFRB, nabatid na walang dalang dokumento ang Grab para ipaliwanag ang kung magkano ang ginagawang paniningil ng surge fee.
Kinukwestyun ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz ang hakbang ng Grab.
Sa hearing, sinabi ni Atty Ariel Inton, founding President ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na dapat ay nagbitbit na ang Grab ng mga kailangang dokumento hinggil sa alegasyong naniningil ito ng surge fee sa mga pasahero na hindi aprubado ng LTFRB.
“Noong December 13 hearing hindi sila nakarating sa hearing dahil sabi nila nagka Covid sila, dumaan ang maraming araw, bakit hindi sila handa sa hearing? Kung wala silang dokumento, now na andito sila, sana ipaliwanag na lang nila ang tungkol sa alegasyong overcharging ginawa nila sa pagkolekta ng surge fee sa mga commuters,” pahayag ni Inton
Sinabi ni Chairman Guadiz na dapat maipaliwanag nila ng maayos ang isyu sa surge fee dahil marami ang nagrereklamo hinggil dito.
Binigyan ni Guadiz ang pamunuan ng Grab na isumite sa LTFRB ang sagot sa alegasyon at supporting documents kung paano nito nasisingil ang mga commuters ng surge fee.
“Ipaliwanag ninyo ng maayos ang surge fee na sinasabing nagkaroon ng overpricing,” sabi ni Guadiz sa Grab.
Ayon kay Inton, kinumpirma ng Grab na sila ay nasingil ng P85 surge fee pero dapat anya ay P45 lamang ito.
Sinabi din ni Inton na dapat ay magtakda ang LTFRB ng parameters kung magkano at paano at hanggang saan ang paniningil ng surge fee dahil ang commuters ang apektado dito.
“Sana lang para sa kapakanan ng commuters ang gawing desisyon dito ng LTFRB, sana magpalabas ng parameters ang LTFRB para malinawan kung saan at kelan maningil ng surge fee batay sa fare matrix ng LTFRB,” sabi ni Inton.
Nagtakda naman ang LTFRB board na muling dinggin ang isyu sa Huwebes, January 12 upang makapaglabas na sila ng desisyon para dito.
Ayon sa Grab, isusumite nila ang lahat ng kailangan ng LTFRB tungkol dito.
Sinabi ni Inton na dapat desisyunan na agad ng LTFRB ang usapin kundi ay mas madami pang commuters ang makakatikim ng labis na paniningil ng Grab ng surge fee sa mga mananakay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.