Quiapo district pinadedeklarang historical landmark
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Hiniling ni Senator Lito Lapid na maideklarang historical landmark ang Quiapo District.
Ayon sa senador matagal na ang pag-apila ng ‘heritage conservationists’ at mga residente ng distrito sa katuwiran na makasaysayan ang lugar, partikular na ang taunang kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.
Sa inihain niyang Senate Bill 1471 layon aniya nito na ideklarang National Heritage Zone ang Quiapo dahil sa mga lumang imprastraktura, mayamang kultura at bilang ito ang tahanan ng Minor Basilica ng Poong Itim na Nazareno.
Sa ilalim ng Quiapo Heritage Zone Bill ay ipinatatag ang “third heritage zone” na sasakupin ang Quiapo Church, Plaza Miranda, San Sebastian Church, at Plaza del Carmen.
Binigyang diin pa ng senador na isa lamang ang Feast of the Black Nazarene sa napakaraming okasyon na nagpapatunay ng mayamang kasaysayan, tradisyon at kultura ng Quiapo.