Ibinasura ng Office of the President (OP) ang reklamong administratibo laban sa dating apat na opisyal ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa kontrobersyal na kautusan para sa importasyon ng 300,000 metriko tonelada ng asukal noong nakaraang Agosto.
Sa 10-pahinang resolusyon, inabsuwelto ng tanggapan ni Pangulong Marcos Jr., sina suspended Agriculture Usec. Leocadio Sebastian, resigned Sugar Regulatory Administration (SRA) chief Hermenegildo Serafica, at SRA board members Rolando Beltran and Aurelio Gerardo Valderrama Jr., kaugnay sa pag-apruba nila sa Sugar Order No. 4.
Inaprubahan ni Executive Sec. Lucas Bersamin noong Disyembre 29.
Magugunita na sinampahan ng mga reklamong grave misconduct, gross/serious dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of the service ang apat na opisyal.
Ngunit una nang isinalarawan ng Malakanyang ang SO No. 4 na ilegal at itinatwa ni Pangulong Marcos Jr., na nagsisilbi din kalihim ng DA at board chairman ng SRA.
Nasabit din sa kontrobersiya si dating Executive Sec. Vic Rodriguez at ito ay kabilang sa mga ipinatawag sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.