OFW special air fare rate hiniling ni Sen. Raffy Tulfo
Umapila si Senator Raffy Tulfo sa airline companies na mabigyan ng special rate sa airfare ang mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs).
Puna ng senador dumoble ang presyo ng pamasahe papasok at palabas ng bansa dahil sa pumalpak na Traffic Management o (CNS/ATM) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ayon pa kay Tulfo maraming OFWs na ang lumapit sa kanya at ibinahagi ang pagkadismaya sa pagtaas ng pasahe sa eroplano.
Aniya sabik na sabik ang OFWs na makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay ngunit nagdadalawang-isip na sa gagastusin sa kanilang pasahe pa lamang.
Partikular na hinimok ni Tulfo ang Philippine Airlines at Cebu Pacific na ikonsidera ang pagbibigay ng preferential pricing system sa OFWs, na itinuturing na mga bayani sa bansa.
“It would be unfair for our OFWs to absorb the fault or negligence of CAAP for the maintenance of their CNS/ATM system. Marami sa kanila isang beses lang o mas malimit pa makauwi sa isang taon. Yung pera na sana pangpasalubong o di kaya pang suporta sa kanilang pamilya ay pilitang napunta na lang sa pamasahe,” ani Tulfo.
Nakikipagugnayan na ang senador sa Department of Migrant Workers para sa posibleng pag-subsidize sa discounted airfares ng mga OFWs na apektado ng problemang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.