Inoobserbahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang sitwasyon sa EDSA Carousel matapos bawasan ang bilang ng mga bumibiyaheng bus.
Sa isang panayam, sinabi ni LTFRB Technical Division chief Joel Bolano na nakatutok sila para malaman kung kailangan na dagdagan ang bilang ng mga pinabibiyaheng bus.
Sa inilabas na board resolution ng ahensiya na may petsang Disyembre 27, 2022, mula sa 758 ay ibinaba sa 550 ang bilang ng mga bumibiyaheng bus simula noong Enero 1 bunga ng pagtigil ng Libreng Sakay program.
Ngunit una nang sinabi ni Sen. Sonny Angara na naglaan ng P2.16 bilyon sa 2023 national budget para sa PUV Service Contracting Program.
Ayon sa namumuno sa Senate Committee on Finance nakapaloob sa pondo ang P1.285 bilyon para sa ‘programmed appropriations’ at P875 million na ‘unprogrammed funds.’
May plano na isapribado ang EDSA Bus Carousel ngayon taon sabi pa ni Bolano.