EO para sa taripa ng imported goods pinalawig ng Palasyo

Pinalawig ni  Pangulong Marcos Jr. ang executive order ukol sa  pansamantalang pagbabago ng mga rate ng import duty sa iba’t ibang produkto kabilang ang karne, mais at bigas.

Base sa Executive Order Number 10 na nilagdaan ng Pangulo, layunin nito na mapanatili ang abot-kayang presyo at dagdagan ang suplay ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa. Nakasaad pa sa EO, hanggang  Disyembre 31, 2023 ang Most Favored Nation (MFN)  tariff rates para sa baboy (fresh, chilled, o frozen) ay 15% (in-quota) at 25% (out-quota); mais sa 5% (in-quota) at 15% (out-quota); at bigas sa 35% (in-quota at out-quota). “There is a need to extend the effectivity of the reduced tariff rates on rice, maize (corn), coal, and meat of swine (fresh, chilled or frozen) to maintain affordable prices for the purpose of ensuring food security, help augment the supply of basic agricultural commodities in the country, reduce the cost of electricity, and diversify the country’s market sources,” nakasaad sa EO. Sa bisa ng EO, lahat ng mga produktong nakalista, na ipinasok o inalis mula sa mga bodega sa Pilipinas para  ay sisingilin base sa MFN rates. Ang mga rate ng taripa sa coal ay sasailalim sa isang semestral na pagsusuri pagkatapos ng Disyembre 31 ngayong taon. Dapat isumite ng National Economic and Development Authority (NEDA) Committee on Tariff and Related Matters sa Pangulo, sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary, ang mga rekomendasyon nito sa usapin, kabilang ang pagsusuri at pagsubaybay sa merkado ng karbon o coal. Nakasaad din sa EO na ang kasalukuyang pandaigdigang sitwasyon sa ekonomiya dahil sa pandemyang dulot ng Covid-19, gayundin ang tradisyonal na pinagkukuhanan ng bigas, mais, karbon, at sariwa, chilled o frozen na karne ng baboy ay nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa tuluy-tuloy na suplay. Binanggit din na ang mataas na inflation na nagiging dahilan sa kakulangan ng suplay at inaasahang kakulangan sa pandaigdigang suplay ay nagpapakita ng mga implikasyon sa ekonomiya at kalakalan sa bansa at sa mamamayang Pilipino. Sa Section 1608 ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act, binibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na taasan, bawasan, o tanggalin ang mga kasalukuyang rate ng import duty  para sa interes ng mga mamamayan at pambansang seguridad.

Read more...