Balik na sa normal ang operasyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines.
Ito ay matapos ang system glitch sa CAAP noong January 1 o unang araw ng taong 2023.
Ayon kay CAAP Deputy Director General Captain Edgardo Diaz, tuloy na ang biyahe ng mga eroplano sa bansa.
“Sa ngayon po, the operation in the whole country is already back to normal. Ibig pong sabihin niyan na gumagana na po ang lahat, at ang ating mga himpapawid ay nako-cover na ng ating radar at ng ating communication,” pahayag ni Diaz.
Hindi naman matukoy ni Diaz kung sino ang dapat na managot sa gastos ng mga apektadong pasahero.
Base sa pinakahuling talaan ng CAAP, nasa 56,000 na pasahero ang naapektuhan dahil sa nangyaring system glitch.
Ayon kay Diaz, sa ngayon, mayroong malasakit kits na ibinibigay sa mga pasahero.
Sinabi pa ni Diaz na pinagsusumikapan naman ng CAAP na ayusin ang mga lumang kagamitan na ginagamit sa communications, navigation at surveillance air traffic management system.
“Iyan pong ating kasangkapan patungo diyan sa ating communication, navigation and surveillance air traffic management system, iyan po ay constantly na dumadaan sa ating regular maintenance. Iyan naman pong ating equipment na iyan, kung tawagin nga ay nasa mid-life; hindi pa naman po completely obsolete, though we need upgrades to make sure na siya po ay makatutugon sa lahat ng pangangailangan sa ngayon,” dagdag ni Diaz.
“Maganda pa po ang performance niyan; ang nangyari lang po ay nawalan tayo ng power, kaya po bumagsak ang kaniyang operation. Pero noong manumbalik na po ang power, naibalik po natin siya sa tamang takbo po niya,” dagdag ng opisyal.
Sinabi pa ni Diaz na balik operasyon na rin ngayon ang ginagamit na uninterruptible power supply o UPS.
“Sa ngayon po, with the UPS po na binabanggit ng ating nagtanong ay balik na po sa operasyon. Dalawa po iyang UPS natin, may redundancy po tayo para kung ang isa po ay bumigay or mawalan ng power, mayroon po tayong naka-standby. Sa ngayon po, iyan ay gumagana na kaya palagay ko po, tayo ay may sufficient back up. Bukod po diyan, tayo po ngayon ay nagpapatupad ng mas masinsin na pag-check ng ating mga equipment ‘no. Kaya mas nakasisiguro po tayo sa ating pag-operate,” pahayag ni Diaz.
“Sa ngayon po, iyon nga naibalik na po natin sa normal ang takbo ng ating mga equipment – iyong ating mga VSAT, iyan pong sinasabi kaninang UPS – iyan po ay already in place. So, ang mga redundancy po ngayon ay tsini-check natin, as well as we are coordinating with other departments of the government to assist us, just in case na may mangyari pong ganito muli, nakahanda po silang tumulong sa atin upang magarantiya po natin na hindi mangyayari iyong nangyari noong January 1. So, in place po lahat ng procedures natin including the contingency procedures, just in case it happens again, magiging handa po tayo diyan sa pagtugon sa anumang maaaring mangyari,” dagdag ni Diaz.
Hindi naman matukoy ni Diaz kung magkanong pondo ang kakailanganin para maisaayos ang sistema.
Pinag-aaralan din aniya ng mga engineers at technical people kung ano agn mgadapat na ikumpuni, palitan at kung ano po ang magiging rekomendasyon.
Sinabi pa ni Diaz na hindi naman nakompromiso ang kaligtasan ng mga pasahero nang mangyari ang system glitch.
“Iyan po ang pinakamalaking concern namin – it is always the safety of our riding public, kaya po iyan ay sinisiguro po namin. Sa katotohanan, nang mangyari po ang power failure, ang masasabi po namin ay hindi po nakompromiso ang kaligtasan ng ating mga mananakay and the airlines, sapagkat, we do have procedures in place. Iyan po ay kasama sa ating training, iyan po ay sina-simulate ng ating mga controllers. Iyong mga complete power failure, loss of communications – iyan po ay kasama sa training at taunang proficiency check ng ating controllers kaya po noong mangyari iyong nangyari kahapon, madali po namang natugunan kaya po ang safety ay nandoon pa rin, wala pong dapat ipag-alala ang ating mga kababayan diyan,” dagdag ni Diaz.
Nakahanda naman aniya ang CAAP na humarap sa ikinakasang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa nangyaring aberya.
Bukas aniya ang kanilang hanay na gisahin sa nangyaring insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.