Senado iimbestigahan ang ‘NAIA operation technical glitch’
Hiniling ni Senator Jinggoy Estrada na maimbestigahan sa Senado ang nangyaring seryosong aberya sa operasyon ng NAIA noong unang araw ng bagong taon, na nakaapekto sa 65,000 pasahero.
Sa inihaing Senate Resolution No. 392, sinabi ni Estrada na dapat ay agad maimbestigahan ng kinauukulang komite ng Senado ang insidente.
Aniya dahil sa pangyayari, muling nalagay sa kahihiyan sa mata ng buong mundo ang Pilipinas bilang isang tourist destination at lubha din naapektuhan ang ekonomiya ng bansa.
Kasunod nito, naghain din ng katulad na resolusyon si Senate Majority Leader Joel Villanueva.
Nais naman ni Villanueva na matukoy sa isasagawang pagdinig ang mga kinakailangang kabuuang pagbabago sa air traffic services sa bansa.
Diin niya napakahalaga ng mga airports sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.
Samantala, sinabi naman ni Sen. JV Ejercito may seryosong implikasyon din sa pambansang seguridad ang nakasalalay.
“Itong nangyari nakakabahala. Hindi dahil ekonomiya natin ang naapektuhan dito, hindi lang ‘yung inconvenience pero ‘yung safety ng ating mga pasahero ng commercial flight,” ani Ejercito sa isang panayam sa radyo.
Dagdag pa niya; “More importantly, ako, ‘yung national security. It’s a matter of national security. Kumbaga for several hours blind tayo. Hindi natin alam kung may pumapasok na mga eroplano sa atin o hindi. So ito ay hindi dapat nangyayari.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.