Isinumite na ng Department of Health (DOH) sa Commission on Audit (COA) ang mga kinakailangang dokumento kaugnay sa mga biniling COVID-19 vaccines.
Ginawa ito ng DOH alinsunod sa isasagawang special audit ng COA sa mga pagbili ng mga bakuna.
“Sisiguruhin ng Kagawaran ang patuloy na pakikipagugnayan sa COA para sa iba pang mga dokumento at impormasyon na kakailanganin ng komisyon,” pahayag ng kagawaran.
Kasabay nito, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sna handa silang sagutin ang lahat ng mga katanungan ukol sa pagbili ng mga bakuna.
“Handa pong harapin ng Kagawaran ng Kalusugan ang anumang katanungan ukol sa ating vaccine procurement sapagkat kampante tayo na lahat ng mga prosesong isinagawa ng ating pamahalaaansa pagbili ng mga bakuna upang maprotektahan ang ating mga kababayan ay nakaayon sa batas,” aniya.