Ex-Duterte officials itinanggi ang pahayag ng COA sa pagbili ng COVID 19 vaccines
Itinanggi ng mga dating opisyal ng nakalipas na administrasyon na nanguna noon sa pagbili ng COVID-19 vaccines ang pahayag ng Commission on Audit (COA) na tumanggi ang Department of Health (DOH) na isailalim sa special audit ang mga biniling bakuna. Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa pagtanggi ng DOH na ibigay ang detalye ng kontrata sa pagbili ng bakuna, humarap sa imbestigasyon sina dating Health Sec. Francisco Duque III, dating Finance Sec. Carlos Dominguez III, at National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. Pinabulaanan ng tatlo ang alegasyon ng COA na hindi sila pumayag partikular ang DOH na ibigay ang detalye ng kasunduan sa pagbili ng mga bakuna dahil sa non-disclosure agreements (NDAs). Binanggit ni Duque na sinulatan niya si dating COA Chair Michael Aguinaldo at hiniling ang pagsasagawa ng special audit para sa mga vaccine-related procurement sa pagitan ng World Bank (WB), Asian Development Bank (ADB), at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB). Partikular aniyang hiniling noon ng DOH sa COA ang pagsasagawa ng end-to-end audit, performance audit ng kabuuang national deployment and vaccination plan, timeline kung kailan nais matapos ang audit at reporting ng audit. Sinuportahan naman ni DOH OIC Usec. Maria Rosario Vergeire ang pahayag ni Duque at iginiit na walang isyu ang ahensya kung isailalim ang vaccine procurement sa auditing ng COA. Tahasan ding itinanggi nina Galvez at Dominguez na noong nagkaroon ng pagdinig ang Kongreso ay wala naman silang sinabing hindi pwedeng i-audit ng COA ang vaccine procurement sa ilalim ng NDA kundi tumanggi lamang sila noon na isapubliko ang detalye ng kasunduan bunsod na rin ng confidentiality commitment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.