Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Dela Rosa na ang isa niyang cellphone, mahigit 1,000 ang kaniyang unread messages dahil hindi niya maasikasong buksan at basahin lahat dahil sa sobrang dami.
Ayon kay Dela Rosa ang mga mensahe ay pawang naglalaman ng mga sumbong hinggil sa mga indibidwal na sangkot sa droga kasama na ang mga aktibong pulis.
Mula Batanes hanggang Jolo aniya ay mayroon siyang natatanggap na sumbong.
Dagdag pa ni Dela Rosa, ang mga pulis na sangkot sa droga ay walang pinipiling ranggo, dahil may mga sangkot na mula PO1 hanggang sa pinakamataas na posisyon.
“From all ranks mula PO1 meron tayong listahan na involve sila (sa drugs). Itong cellphone ko eh sobrang 1,000 na unread messages na puro nagsusumbong, from Batanes to Jolo may nagsusumbong sa involvement sa droga ,” ani Dela Rosa.
Kasabay nito sinabi ni Dela Rosa na may reward man o wala, tiyak na may kahahantungan ang mga drug lord sa bansa na magmamatigas sa kanilang ilegal na gawain.
“May P5M reward o wala, ang mga drug lord na iyan mamamatay talaga iyan kapag lumaban sila kahit walang P5M,” dagdag pa ng opisyal.
Tiniyak ni Dela Rosa na ipatutupad nila ang “Operation Tukhang” kung saan ang mga hepe ng pulisya ay obligadong mag-ikot sa mga nasasakupang barangay para puntahan at katukin ang mga bahay ng mga hinihinalang kriminal sa lugar batay sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay.