Daan-daang senior citizens nakinabang sa birthday medical mission ng partylist solon

QC GOVERNMENT PHOTO

Sa halip na magdaos ng selebrasyon ng kanyang ika-70 kaarawan, minabuti ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na magsagawa na lamang ng medical mission sa Amoranto Sports Center sa Quezon City.

Daan-daang senior citizens ang  nakinabang sa libreng pagpapa-konsulta para sa kanilang kalusugan at sa mga ipinamahaging libreng gamot.

“Marami sa ating mga lolo at lola ang hindi nakakapagpa-medical at physical check up dahil nahihirapan pumunta sa mga ospital, kayat minabuti ko na ilapit na sa kanila ang nararapat na serbisyo na para sa kanila,” sabi ni Ordanes.

Kabilang sa nakibahagi sa medical mission ay si Quezon City Mayor Joy Belmonte na labis-labis ang papuri kay Ordanes sa ginagawa nitong pangangalaga sa milyong-milyong senior citizens sa bansa.

Pinuri din ni Belmonte ang isinulong na mga panukala ni Ordanes sa Mababang Kapulungan, kasama na ang pagdodoble sa halaga ng buwanang pensyon na natatanggap ng mga mahihirap na senior citizen.

Sa ngayon ay nakabinbin pa sa Kamara ang isa pa niyang panukala, na ang layon ay maglaan ang lahat ng mga lokal na pamahalaan sa bansa ng isang porsiyento ng kanilang taunang pondo na para lamang sa kanilang nakakatandang populasyon.

“Ang one percent ay para lang talaga sa senior citizens at hind dapat gamitin sa ibang bagay,” ayon pa kay Ordanes.

Ang isa pang isinusulong ng mambabatas ay mapataas ang diskuwento sa bayarin sa kuryente at tubig ng senior citizens.

 

Read more...