Media, inisnab ni Duterte

 

Inquirer file photo

Sa naganap na pag-uusap nina President-elect Rodrigo Duterte at mga miyembro ng Liberal Party kahapon, tinotoo ng susunod na Pangulo ang pahayag na hindi na magpapaunlak ng interview sa mga miyembro ng media.

Mahigit anim na oras na naghintay sa labas ng presidential guesthouse compound sa Bgy. Panacan, Davao City ang mga mamamahayag sa pag-asang makakakuha ng pahayag mula sa susunod na pangulo ngunit hindi ito nangyari.

Tanging ang crew lamang ng government –owned na TV network na PTV 4 ang pinahintulutang makapasok at makapag-cover ng pag-uusap.

Ayon kay Atty. Salvador Panelo, tagapagsalita ni Duterte, naging ‘consistent’ lamang ito sa naunang pahayag na hindi na muling haharap sa mga press conference.

Giit pa ng abugado, dapat sisihin ang mga mamamahayag na mali ang mga ipinupukol na tanong sa susunod na Pangulo at mini-misquote ito.

Gayunman, ayon sa ilang mga mamamahayag na nagbantay sa pag-uusap, responsibilidad nila na iparating ang impormasyon sa publiko.

Matatandaang sinabi ni Duterte na hindi na siya muling magpapaunlak ng interview upang hindi na muling batikusin sa media kaugnay sa mga pahayag nito.

Isang grupo ng international media watchdog ang hinamon ang mga mamamahayag sa bansa na i-boycott ang mga mga press conference ni Duterte hangga’t hindi ito nagbibigay ng public apology sa mga maaskad na salitang binitiwan nito ukol sa media killings sa bansa.

Read more...