Hinimok ni Makati City Mayor Abby Binay ang mga kabataan na lumahok sa patuloy na pagsisikap ng lungsod upang mabawasan ang epekto ng climate change, lalo pa’t ang kanilang kinabukasan ang nakasalalay dito.
Ginawa ni Binay ang panawagan kanyang State of the Children Address sa Children’s Assembly na ginanap sa Makati Coliseum noong Martes, bilang bahagi ng selebrasyon ng Children’s Month tuwing Nobyembre.
Hinimok ni Binay ang mga kabataan na kumilos at makipagtulungan sa pamahalaan, at maging bahagi ng solusyon. Diin niya, kahit ang wastong pagtatapon ng basura at masinop na paggamit ng tubig at kuryente ay may malaki nang ambag sa kalikasan.
Ayon kay Binay ang mga nagawa ng lungsod para sa kapakanan ng mga bata. Tiniyak niyang ang kanilang kapakanan ay pangunahing konsiderasyon ng lungsod sa bawat desisyon, pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa at proyekto.
Kabilang sa mga serbisyong handog ng lungsod ang libreng pre-natal at post-natal care upang masiguro ang kaligtasan ng nanay at sanggol mula pagbubuntis hanggang sa panganganak. Sa kasalukuyan, 3,298 Mother and Baby Kits na ang naibigay ng lungsod sa mga buntis na nakakumpleto ng kanilang pre-natal check-up.
Naisagawa naman ang libreng newborn screening sa 1,695 na sanggol sa mga lying-in at sa Ospital ng Makati para agad na malaman ang mga posibleng maging sakit ni Baby at maagapan ito.
Ang opisina ng local civil registrar ay nakapagrehistro ng 4,023 mga sanggol na ipinanganak sa Makati. Mas mataas ito ng tatlong porsiyento kumpara noong nakaraang taon.
May kabuuang bilang na 13,702 na mga bata ang nakinabang sa vaccination program ng lungsod laban sa common childhood diseases. Kabilang dito ang 4,320 na Fully Immunized Children, 1,440 Completely Immunized Children, at 7,942 na zero to 23 months old na mga bata sa ilalim ng Chikiting Bakunation.
Iniulat din ni Binay na nasa 48,082 na kabataan edad 12 hanggang 17 ang fully vaccinated na laban sa COVID-19, habang 24,935 na ang nabakunahan sa mga edad 5 hanggang 11. Nakapagpa-booster shot na rin ang nasa 5,821 kabataang Makatizen na edad 12 hanggang 17.
Dahil dito, naging mas madali aniya ang pagbabalik sa face-to-face classes noong October, at nakamit ng lungsod ang 100 percent enrolment rate na umabot sa 78,450 enrolees sa current school year.