Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa publiko na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang pagbebenta ng mura at de-kwalidad na pagkain.
Ginawa ni Belmonte ang pahayag sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kadiwa ng Pasko sa Quezon City Hall grounds.
Binigyang pagkilala ng Pangulo ang lokal na pamahalaan bilang mayroong best practices at mabilis na pagtugon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“We have to thank siyempre ang ating mga LGU dahil sila talaga ang nagtake ng initiative nito and again to Mayor Joy Belmonte who was one of the first to put up Kadiwa, mabilis siyang nagrespond agad nung nagtataasan na ang presyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Isa ang Quezon City hall sa 20 lugar sa buong bansa na ginawang flagship projects sa Kadiwa ng Psako.
Makabibili ang publiko ng murang bigas at iba pang bilihin sa mga Kadiwa ng Pasko stalls.
“Kaya ang Quezon City medyo model namin ‘yan eh, tinitingnan namin ‘yung ginagawa ninyo because you do it on a different scale than the others. Kaya kung kakayanin nung sistema ninyo, eh kakayanin ‘yun ng mas maliliit [LGUs]. Kaya we were looking and seeing ano ‘yung mga tinatawag ko na best practices ay tinitingnan namin para mas maging maganda,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Nagpapasalamat naman si Belmonte sa pagkilala ng Pangulo sa trabaho ng Quezon City government.
“Lubos kaming nagagalak dito sa Lungsod Quezon dahil isa ang QC sa mga piling lungsod na kabahagi ng programang Kadiwa ng Pasko na pinangungunahan ng ating minamahal na pangulo at ng DA. We will continue to regularly provide avenues for food producers to sell their goods directly to our QCitizens,” pahayag ni Mayor Belmonte.
Una nang sinabi ng Pangulo na magpapatuloy ang Kadiwa ng Pasko program hanggang sa susunod na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.