Inaalam na ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng dahilan nang pagtaas sa P300 kada kilo ang halaga ng pulang sibuyas.
Sinabi ni Agriculture Asec. Kristine Evangelista, nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Plant Indusry (BPI) para malaman ang ugat ng paghataw ng presyo at para na rin malaman kung may kakulangan ng suplay.
Aniya inaasahan din niya na makakapagsumite ng inventory report ang BPI ngayon linggo.
Sinabi pa ni Evangelista na kung may kakulangan ng suplay, maaring magbago ito ngayon Disyembre dahil sa inaasahan na pag-ani ng mga nagtanim ng mga pulang sibuyas.
“Ngayon po, tinitignan natin kung gaano kalaki ang kanilang volume na iha-harvest dahil ito po ay makakatulong sa pagdagdag ng ating supply. At alam naman po natin na pag nadadagdagan ang ating supply, ‘yan din po ay makakatulong sa pagbaba ng presyo at sa price stability,” dagdag pa ng opisyal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.