Nagbabala si Senator Risa Hontiveros kaugnay sa bagong modus ng human trafficking na ang mga biktima ay Filipino na nangangarap ng magandang trabaho sa ibang bansa.
Nangangamba si Hontiveros na maulit ang ibinunyag niyang ‘pastillas scam’ na kinasasangkutan ng ilang opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration.
Sa Senado ay iniharap pa niya ang ilan sa mga biktima ng bagong modus na hinikayat sa isang ‘scamming job’ sa Myanmar.
“Kahit hindi dumadaan ng immigration counter, natatakan ang passport ni Paulo ng official exit stamp. May umasikaso sa kanya sa airport, hindi siya pinapila, at binigyan siya ng pekeng ID ng isang tindahan sa NAIA Terminal 3, para magpanggap siyang empleyado,” pagbabahagi ni Hontiveros.
Dagdag pa niya; “Para itong Pastillas part 2, pero mas malala at mas mapusok. May kinalaman din ba ang mga airport security o personnel? Nasa bulsa at kakuntsaba ba ng mga BI o airport officials ang mga illegal recruiter?”
Magugunita na noong nakaraang linggo, iniharap na rin ni Hontiveros ang isa sa mga nailigtas na Filipino sa Myanmar at aniya Chinese mafia ang nasa likod ng human trafficking.