Maging ang mga babaeng estudyante sa 1st at 2nd year college ay obligado nang sumailalim sa Reserve Officers Training Corps o ROTC.
Pagbabahagi ito ni Sen. Ronald dela Rosa, isa sa mga nagpanukala ng mandatory ROTC program, matapos ang pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Committee on National Defense and Security ukol sa mga panukala.
” You want gender equality, you don’t want to be considered as the weaker sex, Kapag nilusob tayo, hindi lang naman mga lalaki ang tatamaan ng bala, pati mga babae tatamaan din ng bala,” pangangatuwiran ng senador.
Aniya iisang pagsasanay lang din ang pagdadaanan ng mga lalaki at babaeng kadete.
Pagtitiyak niya na may mekanismo na, alinsunod sa ilang umiiral na batas, para bigyan proteksyon laban sa harassment at hazing ang mga kadete.
Tiwala pa ang dating hepe ng pambansang pulisya na maisasabatas sa susunod na taon ang panukala sa katuwiran na kabilang ito sa ‘priority measures’ ng administrasyong-Marcos Jr.