Ikinatuwa ng Palasyo ng Malakanyang ang resulta ng ‘Tugon ng Masa’ survey ng OCTA Research na nagsasabing 85 porsyento sa mga Filipino ang naniniwala na nasa tamang landas ang mga programa at polisiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Office of the Press Secretary officer-in-charge Undersecretary cheloy Garafil, patunay ito na akma ang mga programa ng Pangulo para makabangon ang bansa matapos padapain ng pandemya sa COVID-19.
Base sa survey, 6 na porsyento lamang sa mga respondents ang nagsabi na hindi sila naniniwala sa mga programa ng Pangulo.
Ayon kay Garafil, ang naturang numero ay sumasalamin sa sa bawat Filipino na nakaranas ng hindi pangkaraniwang hirap sa nakalipas na dalawang taon dahil sa pandemya.
Hindi aniya madali ang trabaho para sa Pangulo.
Sinabi pa ni Garafil na determinado ang Pangulo na pagandahin ang buhay ng bawat Filipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandang trabaho at mabilis at matiwasay na pagnenegosyo sa bansa.
Target din ng Pangulo na magkaroon ng food security sa bansa.
Sinabi pa ni Garafil na ang panawagan ng Pangulo na pagkakaisa ay umuugong na dahil unti-unti nang natutupad ang pangako noong panahon ng kampanya hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.