Inilatag ni Senator JV Ejercito ang mga naisip niyang maaring dahilan ng hindi pagtatagumpay ng programang pabahay ng gobyerno.
Ayon kay Ejercito mabibigo ang programa kung ang mga ililipat na pamilya ay malayo sa kanilang trabaho, kabuhayan at sa mga kinakailangan nilang serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno.
Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Urban Planning and Housing, hindi matatapos ang problema sa pabahay sa mga informat settlers dahil ikinakasa ang programa para lang makasunod at hindi para sa talagang kapakanan ng mga benepisaryo.
“Kahit magtayo nang magtayo ang ating pamahalan ng libo-libong pabahay, kung malayo naman ang mga ito sa lugar ng hanapbuhay ng mga ISFs at kulang ang mga basic facilities tulad ng health facilities, educational facilities ay iiwanan nilang muli ang mga ito,” ani Ejercito.
Kayat aniya suportado niya ang mga panukala para sa on-site, in-city o near-city resettlement dahil ang kabuhayan at pinagkakakitaan ang talagang dahilan kayat maraming ISFs ang pinipiling manatili sa Metro Manila at iba pang ‘urbanized areas.’
“If houses are built just for compliance and living conditions of potential occupants are not considered, a noble cause to provide shelter is bound to fail,” diin ni Ejercito.