Roadmap ng Pagcor sa POGOs walang silbi! – Sen. Win Gatchalian

SENATE PRIB PHOTO

Binatikos ni Senator Win Gatchalian ang Philippine Amusement Gaming Corp. (PAGCOR) dahil sa kabiguan nitong makabuo ng isang komprehensibong plano para sa pagpapalago ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“Sa kabila ng paninindigan ng PAGCOR na suportahan ang pananatili ng mga POGO, lumalabas na kulang ang PAGCOR sa masusing pagpapahalaga sa industriya. Dahil sa mga isyu sa industriya na walang katiyakan kung matutugunan, hindi natin dapat isugal ang ating kapayapaan at kaayusan, buhay, at kalayaan, at umasa na lang na magiging maayos ang lahat,” ani Gatchalian.

Ayon sa senador,  masasabing walang silbi ang apat na pahinang roadmap para sa industriya ng POGO na isinumite ng Pagcor sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means.

Ang roadmap ng PAGCOR para sa industriya ng POGO ay nagtatakda ng P10.227 bilyon na target na kita sa 2027, mas mataas sa inaasahang kita na P2.38 bilyon ngayong taon, target na P3.45 bilyon sa 2023, P4.84 bilyon sa 2024, P6.29 bilyon sa 2025 at P7.86 bilyon sa 2026.

Puna ng senador bagama’t maganda ang hangarin ng roadmap ay kulang ito sa detalye, tulad ng kabuuang kita mula sa POGO operations sa buong mundo, kabuuang bilang ng mga operators, kasalukuyang market share ng bansa laban sa mga kakumpitensya nito, at iba pang impormasyon na magbibigay-daan sa PAGCOR na gumawa ng naayon at angkop na plano para sa industriya.

“Importanteng naiintindihan nang husto ng PAGCOR bilang operator, bukod sa pagiging regulator, ang industriya ng POGO upang matimbang natin ang mga kontra sa mga problemang operasyon sa bansa. Nakakalungkot na walang matibay at komprehensibong plano ng PAGCOR kung paano palaguin ang industriya,” diin ng namumuno sa Senate Ways and Means Committee.

Read more...