Pagdurog sa Epira Law isusulong sa 17th Congress

By Isa Avendaño-Umali June 08, 2016 - 05:20 PM

Power plant
Inquirer file photo

Iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate na isama sa priority agenda ng Duterte administration ang pagpapawalang bisa sa Electric Power Industry Reform Act o Epira Law.

Katuwiran ni Zarate, sa nakalipas na 15 taon ay bigo ang naturang batas na maibaba ang presyo ng kuryente at mabigyan ng maayos na suplay ang maraming consumers.

Sinisi ni Zarate sa privatization ng mga planta ng kuryente ang miserableng serbisyo at mahal na presyo ng kuryente kaya naman ang mayayamang kumpanya lamang daw ang nakinabang sa Epira Law.

Ayon sa Kongresista, ngayong paalis na ang aniya’y palpak na Daang Matuwid, umaasa ang publiko na magiging maayos na ang sektor ng enerhiya sa ilalim ng pamahalaan ni President-elect Rodrigo Duterte.

Positibo rin si Zarate na sa pag-upo ng bagong administrasyon ay mawawala na ang sabwatan ng gobyerno at malalaking negosyo, upang guminhawa na ang mahihirap.

Hinikayat rin ng Mambabatas ang Duterte administration na i-preserve at ayusin ang natitirang power assets ng gobyerno kabilang ang Agus-Pulangi Hydropower Complex sa Mindanao at ang Naga Power Plant Complex.

TAGS: 17th congress, Bayan Muna, epira law, zarate, 17th congress, Bayan Muna, epira law, zarate

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.