MMFF Parade of Stars gagawin sa Quezon City

Ang pamahalaang-lungsod ng Quezon ang magsisilbing host ng ‘Parade of Stars’ ng 48th Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayon taon. Sa inilabas na pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang parada ng mga floats ng mga kasaling pelikula at katatampukan ng mga bidang artista at magsisimula ng alas-2 ng hapon sa Welcome Rotonda – Quezon Avenue patungo sa Quezon Memorial Circle (QMC) sa Disyembre 21. Ang tema ngayon taon ay ‘Balik Saya sa MMFF 2022.’ Ang floats ng walong official entries at ng MMDA ay magsisimulang umusad sa E-Rodriguez hanggang D. Tuazon at ang traffic enforcers ng ahensiya ang magbabantay sa ruta at para na rin sa ‘crowd control.’ Ang walong official entries ay ang “Deleter” ng Viva Communications, Inc.; “Family Matters” ng  Cineko Productions, Inc.; “Mamasapano: Now It Can Be Told” ng Borracho Film Production; “My Father, Myself” ng 3:16 Media Network and Mentorque Productions; “Nanahimik ang Gabi” ng Rein Entertainment Productions; “Partners in Crime” ng  ABS-CBN Film Productions; “Labyu with an Accent” ng  ABS-CBN Film Productions at “My Teacher” ng TEN17P. Mapapanood ang mga ito sa lahat ng sinehan sa buong bansa simula sa Araw ng Pasko hanggang Enero 7, 2023. Samantala, magaganap naman ang Gabi ng Parangal sa Disyembre 27 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.

Read more...