Dagdag pensyon ng indigent senior citizens isusulong sa 2023 budget
Nakahanda si Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na kausapin ang mga kapwa mambabatas na miyembro ng bicameral conference committee na tatalakay sa 2023 budget na ipaglaban ang pagtaas sa P1,000 ng buwanang pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.
Ani Ordanes patuloy din siyang nakikipag-ugnayan kay Social Welfre Sec. Erwin Tulfo gayundi sa DSWD Change Management Committee para matiyak na patuloy na maibibigay sa indigent senior citizens ang kanilang buwanang pensyon hanggang hindi nareresolba ang mga isyu sa National Commission on Senior Citizens (NCSC).
Nabanggit ng mambabatas na sa darating na Disyembre 6 ay magkakaroon ng pagdinig ukol sa social pension ng indigent seniors gayundin ukol sa cash grants sa mga centenarians o higit 100 taong gulang.
Sinabi pa ni Ordanes na makikipag-usap siya kay Civil Service Commission Chairman Karlo Nograles ukol sa magagawa ng CSC sa ‘urgent personnel concerns’ ng NCSC.
Pinag-iisipan niya aniya na imbitahan ang CSC sa susunod na pagdinig ng House Committee on Public Accounts at House Special Commitee on Senior Citizens sa Disyembre 1 para sa matinding pangangailangan na maisaayos ang organisasyon ng NCSC gaya ng pagkakaroon ng sariling Personnel Selection Board, Bids and Awards Committee at pagtatalaga sa isang NCSC executive director.
Sabi pa ni Ordanes, ikunukunsidera niya ang pagsusuri sa RA 11350 para malaman kung kailangan na maamyendahan ang ilang probisyon para sa paghahain niya ng panukala sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Ordanes ang Department of Budget and Management at DSWD para sa mga hakbang na ma-organisa ng maayos ang NCSC
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.