Muling ipinagpaliban ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo.
Ang dahilan ang isyu sa citizenship ng kalihim, gayundin ang kanyang conviction sa kasong libel.
Nag-mosyon si CA Majority Leader Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na ipagpaliban ang kumpirmasyon dahil sa dalawang isyu na pinalutang ni 1-SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta.
Bago ito, nagkaroon ng executive session ang CA hinggil sa naturang isyu base sa kahilingan ni Tulfo.
Sa panayam kay Tulfo, inamin niya na ngayon taon lamang niya isinuko ang kanyang US citizenship, samantalang ang kanyang libel conviction naman ay ibinaba ng isang korte sa Pasay City.
Sa kabila nito, tiniyak ni Tulfo na patuloy ang kanyang paglilingkod bilang kalihim ng DSWD.