OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz

July 14, 2015 - 07:24 AM

for radyo inquirer columnMAY “BEDOL” AT “GARCI” PA RIN… Paano mo pagtatagpuin sa gitna ang paniwala at tiwala sa integridad ni Commission on Election Chairman Andres Bautista sa pagdududa at kuwestiyon sa integridad ng sistemang PCOS na malamang kaysa sa hindi ay siya pa ring gagamitin sa susunod na halalan?

Integrity and credibility is the heart and soul of any elections, especially in the coming 2016 elections. Hindi maaaring may tiwala sa nakaupong liderato ngunit may agam-agam naman sa sistemang siyang dadaluyan ng sagradong pasya ng mga mamamayang may karapatan ng bumuto.

‘Yun naman ang pangako ni Bautista, ang tiyakin na may magaganap ngang halalan sa Mayo ng 2016 at kaakibat ng pangakong ito ay ang masiguro din ang integridad at kredibilidad ng halalan. Kaya nga paano mo paghihiwalayin ang tingin kung ang dalawang bagay na ito ay magkatuwang?

Ang tiwala sa kanyang pagkatao ay isang bagay na kumikilos pabor sa kanyang pamumuno sa Comelec. Ngunit hindi dun nagsisimula at nagtatapos ang lahat. Kailangan na maging bukas ang isipan at kamalayan ni Bautista sa kung paano at kung gaano kalalim na ang problema ng dayaan sa halalan na hindi nabura ng sistemang automation.

Ang totoo, sa halip na mabura ang duda sa resulta ng halalan dahil sa sistemang automation na unang ginamit noong 2010 Elections, ay lalo pang nadagdagan ang mga nagdududa dito.

Ang duda ay nakaugat sa makina, sa isang sistema na hindi naman nauunawaan ng marami kung paano talaga gumagana. Oo’t ipinapaliwanag sa publiko, ngunit how it really works, only those that are directly responsible to the operations are the ones who knew the intricacies of the system including the information on how it can fail or malfunction.

May mga paraan o hakbang na puwedeng gawin si Bautista na magtutugma sa tiwala sa katauhan ng nakaupong chairman ng Comelec at sa sistemang nabahiran na ng duda .

Kung mamarapatin, ilang panukala para sa chairman ng Comelec. Una, ang kilalanin ang katotohanang maaaring gawin ang manipulasyon resulta ng halalan sa automated system at maaaring may mga natirira pang mga galamay ng tulad ng mga pangalang Bidol at Garci sa Comelec. Isa ito sa mga interesanteng tanong na ibinato kay Bautista sa kauna-unahang #MeetInquirer Multi-Media Forum.

Kung ang kuwentong ibihagi ni dating congressman Felicito “Tong” Payumo ang pakikinggan mo, ang manipulasyon ay naganap at maaaring maganap pa sa pamamagitan ng sabwatan ng ilang tiwaling tauhang may kuneksiyon mismo sa sistema ng pagpapatakbo o pagkukumpuni ng PCOS.
Mga technician aniya ang nagpakilala sa kanyang staff noon na nangako ng panalong 60/40 para sa 2013 elections.

Kung ano ang ipinangakong lamang na statistically improbable, yun nga ang lumabas, pero pabor sa nakalaban ni Payumo. May halagang kapalit ang naging alok ng manipulasyon sa resulta ng halalan. Tumataginting na P25-milyong piso ayon kay Payumo.

Isolated case ba ang reklamo ni Payumo na aniya ay naganap sa Bataan? Hindi. Ang totoo, noong 2013 elections, marami ang katulad na reklamo sa lokal na antas ng halalan. Ngunit ang mga ito ay hindi na nga lamang itinuloy.

Kung nagawa noong 2013 at 2010, bakit nga naman hindi ngayong 2016 elections kung ang sistema ay ganun pa rin naman? Hindi ba’t habang tumatagal ay lalong nagiging bihasa?

Walang sistemang perpekto at habang may puwang ang alinmang porma ng pandaraya, maliit o malaki man, malawakan o limitado lang, ang integridad at ang kredibilidad ng eleksiyon sa kabuuan ay apektado na rin.

Kung nangyari sa lokal na halalan, sabihin na nating sa iilang lugar lamang at hindi sa kabuuan. Ano ang katiyakan na hindi dawit sa manipulasyon ng resulta ng halalan sa antas ng pambansang halalan?

Magandang maniwala na may reporma na, may tunay na pagbabago na. Ngunit isang katotohanan na may Bidol pa, may mga Garci pa. Ibang pangalan. Maaaring ibang tanggapan. Ngunit katulad ang bihis. Automated o Manual, ang bihasa ay bihasa. Iyon ang dapat na bantayan ng liderato ng Comelec.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.