Aabot sa P20 milyong ayuda ang ipinamahagi ng National Housing Authority sa 2,000 pamilya na nasiraan ng tahanan dahil sa Bagyong Odette na tumama noong Disyembre 2021.
Ayon kay NHA General manager Joeben Tai, tig P10,000 ang natanggap ng bawat pamilya.
Sa naturang bilang, 1,000 pamilya sa Lapu-lapu City ang nabigyan ng tulong. Nasa 559 pamilya ang nabigyan ng tulong sa Carcar City at 441 na pamilya sa Naga City.
Nabatid na ang ipinamigay na ayuda ay galing sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA.
Sa ilalim ng programa, binibigyan ng cash assistance ang mga nasa low-income at marginalized families na naapektuhan ng kalamidad.
“Gusto lang nating masabi sa ating mga kababayan na marami pong pangako ang NHA sa mga natamaan ng mga kalamidad dati; iisa-isahin po namin kayo. ‘Di po namin kayo nakakalimutan. Babalikan po namin kayo upang maibigay ang EHAP,” pahayag ni Tai.