Nabibili na ngayon ang bigas sa P25 kada kilo sa mga Kadiwa ng Pasko stalls sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Sa launching ng Kadiwa ng Pasko project sa Mandaluyong City, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na proyekto ito ng pamahalaan para matulungan ang mga magsasaka at mga mamimili.
Bukod sa murang bigas, mabibili rin sa mga Kadiwa ng Pasko stalls ang mga murang gulay at iba pang pagkain.
“Palapit na tayo doon sa aking pangarap na mag-20 pesos pero dahan-dahan lang. Aabutin din natin ‘yan pero marami pa tayong gagawin. Eh ang dami pang nangyayari. At wala naman tayong magawa dahil ‘yung pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi naman nanggaling sa ekonomiya natin, nanggaling ‘yan sa mga pangyayari sa iba’t ibang lugar na hindi naman natin makontrol,” pahayag ng Pangulo.
Matatandaan na noong panahon ng kampanya, nangako ang Pangulo na ibababa niya sa P20 ang presyo ng bigas kada kilo.
Labing apat na Kadiwa ng Pasko ang sabay sabay na binuksan ngayong araw. Labing isa sa National Capital Region, isa sa Tacloban City, isa sa Davao De Oro, at isa Koronadal City, South Cotabato.
Si Pangulong Marcos ang nagbukas ng Kadiwa ng Pasko sa Mandaluyong City.
Si First Lady Liza Marcos naman ang nagbukas ng Kadiwa ng Pasko sa Paranaque City.
Ang panganay na anak ng Pangulo na si Ilocos Norte Congressman Sandro Marcos ay tinungo ang Kadiwa ng Pasko stalls sa Quezon City habang ang anak na si Simon ay nagtungo sa San Juan.