Ibinahagi ni Senator Jinggoy Estrada na may isang opisyal ng pambansang pulisya ang nag-power trip’ sa kanya noong siya ay nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Sa deliberasyon ng 2023 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), inilahad ni Estrada ang kanyang dinanas sa pulis, na hindi na niya pinangalanan.
Ayon kay Estrada, maraming inihirit sa kanila ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang opisyal at pinagbigyan naman nila ito.
“I never knew this policeman. He kept visiting us, asking for favors. Of course, I, together with Sen. Bong, gave in to all of his favors. And when he was assigned to head the custodial center, he never showed up and in fact this scalawag… he began his power tripping,” aniya.
Sinabi nito na pinagbawalan ng opisyal ang kanyang mga abogado at maging ang kanyang pamilya na mabisita siya.
Hiniling na lamang ni Estrada kay PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., na huwag bigyan ng oportunidad ang opisyal na magkaroon ng promosyon.
Ayon naman kay Sen. Sonny Angara, ang namumuno sa Senate Committee on Finance, paglabag sa mga karapatan ni Estrada ang ginawa ng naturang opisyal, na ngayon ay nakatalaga sa Cotabato City.