Preliminary hearings sa Percy Lapid case itinakda na ng DOJ

Sa darating na Nobyembre 23 at Disyembre 5 ang itinakdang pagdinig ng Department of Justice (DOJ) sa tatlong kaso ng murder na isinampa laban kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag at sa iba pang idinawit sa pagpatay kay Percival Mabasa o Percy Lapid.

Kasunod ito nang pagpapadala na ng subpoenas kay Bantag at sa iba pa, na ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento ay ang hudyat ng simula ng preliminary investigation sa kaso.

Alas-9 ng umaga ang preliminary investigation sa Nobyembre 23, samantalang ala-1 ng hapon naman sa Disyembre 5.

Ang unang kaso ng murder ay isinampa ng pambansang-pulisya laban kay Joel Escorial, ang sumuko at umamin na pumatay kay Mabasa, at sa mga ‘middlemen’ na sina Christopher Bacoto, magkapatid na Israel at Edmon Dimaculangan, isang alias Orly.

Ang dalawa pang kaso ay isinampa ng PNP at NBI noong Nobyembre 7 at idinawit na sina Bantag at BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta, bukod pa sa ilang bilanggo ng pambansang piitan.

Read more...