(Courtesy: PCG)
Isang 14-anyos na bata ang muntik nang malunod habang naliligo sa Manila Bay.
Ayon sa Philippine Coast Guard, sinagip ng mga tauhan ng BRP Melchora Aquino ang bata.
Nabatid na bandang 2:00 ng hapon, kahapon, Noyembre 11 nang marinig ni Coast Guard Seaman Second Class Badajos na mayroong humihingi ng saklolo ng 400 metro ang layo mula sa naturang barko.
Nakadaong sa Port Area ang BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) matapos ang isinagawang relief mission sa Iloilo City.
Namataan ang bata na nakakapit sa styro box at plastic na bote para manatiling nakalutang sa tubig.
Agad na dineploy ng mga PCG personnel ang isang rigid hull inflatable boat (RHIB) para iligtas ang bata na kinilalang si James Rafael Asierto, 14 taong gulang na residente ng Quiapo, Maynila.
Ayon sa salaysay ng bata, tinangay siya ng malakas na agos habang lumalangoy sa Manila Bay.
Ginamot ng mga PCG personnel ang mga galos ng bata at dinala siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naghatid sa kanya sa kanilang tahanan.
Pinayuhan naman ng PCG ang mga magulang na huwag hayaang maligo ang mga bata sa Manila Bay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.