Duterte, minamatyagan ng US ayon sa mga eksperto

By Kathleen Betina Aenlle June 08, 2016 - 04:48 AM

 

Inquirer file photo

Masusing binabantayan ng United States ang mga kilos ni incoming President Rodrigo Duterte, lalo na sa magiging unang 100 araw niya sa Malacañang.

Isa pa sa mga minamatyagan ng U.S. ay ang magiging reaksyon ni Duterte oras na lumabas na ang desisyon ng United Nations tribunal court kaugnay sa isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Ito ang sinabi ng nonresident senior adviser na si Ernest Bower sa Southeast Program ng Center for Strategic and International Studies, na isang US-based think tank.

Ayon kay Bower, kung tatanungin ang mga leaders sa Washington ngayon, sasabihin ng mga ito na nasa rurok ang relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas sa kasalukuyan.

Aniya pa, mas tumatag ang dalawang dekada nang magandang relasyon ng dalawang bansa sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Matatandaang dalawang beses pang binisita nina Pangulong Aquino at US President Barack Obama ang mga bansa ng isa’t isa.

Naniniwala naman si Bower na hindi isasakripisyo ng susunod na pangulo ang mga magagandang naipundar ng relasyong ito para lamang tumaliwas ng direksyon.

Hindi rin naman aniya siguro ilalagay ng sunod na pangulo ang Pilipinas sa posisyon na “less secure” at “less economically prosperous.”

Pero mananatili aniya silang nag-aabang hanggang sa opisyal nang maka-upo si Duterte sa kaniyang posisyon sa June 30.

Marami na aniyang nasabi si Duterte simula pa noong nangangampanya siya, na siyang dahilan kung bakit siya maiging binabantayan ng mga tao ngayon.

Ngunit ano pa man ang mga ito, ang magagawa lang sa ngayon ay mag-hintay sa kung ano ang gagawin ng kaniyang administrasyon.

Paliwanag ni Bower, hindi naman niya masyadong binibigyan ng bigat ang mga binibitiwang salita ni Duterte kamakailan, dahil mas partikular nilang mamatyagan ang mga pinili nitong maging bahagi ng kaniyang Gabinete.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.