‘Political killings’ sa Zamboanga del Sur ikinakasindak na ng mamamayan
By: Jan Escosio
- 2 years ago
Labis nang nababahala ang mga mamamayan ng Pagadian City sa nangyayaring political killings sa Zamboanga del Sur.
Bunga ito nang pagkakapatay kay dating Municipal Administrator Richard Butch Camanian Cabilan sa loob ng Department of Agriculture compound sa bayan ng Dumingag.
Nabatid na kabilang si Cabilan sa mga dumalo sa pulong sa DA Training Center at may kausap lamang sa kanyang cellphone nang pagbabarilin ng tatlong salarin.
Ang biktima ang municipal administrator ni dating Mayor Nacancieno ‘Jun’ Pacalioga Jr., na kiumalaban kay Gov. Victor Yu sa nakalipas na halalan.
Ang insidente ang pangalawa ng pagpatay sa loob ng isang government compound sa loob lamang ng isang buwan.
Magugunita na pinagbabaril hanggang sa mapatay din ang 25-anyos na si Ronie Agan Naong sa Farmer’s Haven, na nasa loob naman ng provincial government complex, noong Oktubre 18.
Dahil sa dalawang insidente, nababahala na ang mga mamamayan, kaya’t umapila sila na paigtingin pa ng lokal na pulisya ang kanilang presensiya at hiniling ang agarang pagresolba sa dalawang kaso.
Hiniling na ni Sen. Risa Hontiveros kay PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., na masusing imbestigahan ang mga kaso at bigyan-proteksyon ang mga lingkod-bayan gayundin ang mga mamamayan ng naturang probinsiya.