Magtatagal pa ng hanggang Agosto ng taong ito ang suliraning dinaranas ng mga residente ng Mandaluyong City, partikular sa mga residenteng malapit sa Maysilo Circle.
Ito’y sa kadahilanang muling nag-abiso ng ‘extension’ ang kontratista ng drainage project at DPWH sa lokal na pamahalaan ng hanggang August upang matapos ang proyekto.
Sa status report na ipinadala ng Department of Public Works and Highways sa lokal na pamahalaan, sinabi nito na sa August 9 na ang sinasabing completion date ng proyekto, ayon sa LR Tiqui Builders Inc. na kontratista ng drainage project.
Dapat sana ay noong May 9 pa ito natapos na may pondong P609-milyong piso at sinimulan noon pang January 2013.
Sa naturang report, ipinaliwanag umano ng kontratista na dahil sa mga naranasang mga pagbaha at pag-ulan, napipilitang ipatigil pansamantala ang konstrukyon sa project site.
Ayon naman kay Jimmy Isidro, public information officer ng Mandaluyong, kulang sa mga manggagawa ang proyekto kaya’t laging bitin ang paggawa dito.
Noong February, maraming mga negosyo ang napilitang magsara sa paligid ng Maysilo Cirle dahil sa perwisyong idinulot ng baha sa lugar at ang mala-imburnal na amoy na nagmumula dito.