Upang mapangalagaan ang mental wellness ng mga bata at kabataan, nakipagtulungan ang Globe sa KonsultaMD para sa libreng konsultasyon sa mental health professional.
Tugon na rin ito ng Globe dahil sa mga bata at kabataan na nakakaranas ng cyber bullying.
Ang libreng konsultasyon ay makukuha sa pamamagitan ng paggamir ng ng code na MAKEITSAFEPH sa KonsultaMD app, samantalang ang proseso at gabay ay malalaman sa MakeITSafe,PH at hanapin ang “A to Zs of cyberbullying” glossary para maintindihan ng mga magulang ang mga kasalukuyang ginagamit na salita at emoji ng mga kabataan.
Nakipag-partner din ang Globe sa dalawang popular na Facebook parenting communities, ang Glam-o-Mamas at Usapang Nanay para mapag-usapan ang tungkol sa pananatiling ligtas ng mga bata online at ang kaugnayan nito sa kanilang digital wellness at mental health.
“Nagsisikap ang Globe na gawing ligtas ang digital space para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtataguyod ng Tech4Good. Hinihimok namin ang mga magulang at tagapag-alaga na maging tagapagtanggol ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagtuturo kung paano sila magiging ligtas at responsable habang gumagamit ng internet,” pahayag ni Yoly Crisanto, Globe Group Chief Sustainability at Corporate Communications Officer.
Marami ang hindi nakakaalam na may mga bahagi ng bansa na 60-80% sa mga batang edad 12-16 ang nakaranas na ng cyber violence batay sa isang pagsusuri na ginawa ng Stairway Foundation noong 2015.
Ayon kay KonsultaMD psychologist na si Dr. Mec Perez, kabilang sa cyberbullying ang mga bastos at hateful na meme at komento, mga tsismis na nagdudulot ng sakit at kahihiyan, mga banta ng pisikal na pananakit at paglalantad ng pribadong impormasyon, at mga gawaing nagtutulak sa mga tao na magpakamatay.
Sa webinar na “The Family as the Safety Net” ng Globe at KonsultaMD, sinabi ng KonsultaMD Counselor at Psychologist na si Dr. Francine Bofil na ang cyberbullying ay maaaring magresulta sa mababang pagpapahalaga sa sarili na humahantong naman sa kalungkutan. Ang mga biktima ay maaari ding mawalan ng motibasyon at magtangkang saktan ang sarili.