30 sundalo ng bansang Niger, patay sa pag-atake ng Boko Haram sa Bosso

 

Mula sa Google Maps

Muli na namang nakubkob ng Islamic militants na Boko Haram ang bayan ng Bosso sa bansang Niger, na nasa border papuntang Nigeria.

Dahil dito, 30 sundalo ng Niger ang nasawi habang may dalawang sundalo rin ng Nigeria ang nadamay sa bakbakan mula noong Biyernes ng gabi.

Ito na ang itinuturing na pinakamadugong pag-atake mula noong April 2015 kung kailan hindi bababa sa 74 katao ang nasawi kabilang ang 28 na sibilyan sa Lake Chad ng Karamga Island nang umatake rin ang Boko Haram.

Bagaman sinasabi ng pamahalaan na kontrolado pa rin nila ang nasabing bayan, mismong si Bosso Mayor Mamadou Bako na ang naghayag na muli silang nasakop ng Boko Haram matapos ang bakbakan.

Dahil sa nasabing pag-atake, tinatayang nasa 50,000 na residente na ng Niger ang lumikas.

Nagdeklara na rin ng three days of mourning ang Niger dahil sa dami ng mga nasawing sundalo sa pag-atake.

Simula pa noong 2009, sinusubukan na ng Boko Haram na magtayo ng Islamic State sa ilalim ng mahigpit na Sharia law sa Northeast Nigeria, at nadadamay na rin ang mga kalapit na bansa dito tulad na lang ng Niger.

Read more...