Nangunguna pa rin ang mga sakit na heart diseases, cerebrovascular diseases, at cancer na sanhi ng pagkamatay ng mga Filipino sa bansa sa unang pitong buwan ng taong 2022.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, mula Enero hanggang Hulyo 2022, nasa 311,921 ang nasawi, mas mababa ito ng 31 porsyento kumpara sa 452,228 na nasawi noong nakaraang taon.
Sa naturang datos, ischemic heart diseases ang nangunguna sa listahan kung saan 57,899 katao ang nasawi. Nangangahulugan ito ng 18.6 percent sa total deaths sa bansa.
Nasa ikalawang puwesto naman ang Cerebrovascular diseases kasama na ang stroke at aneurysms na may 32,354 na nasawi o 10.4 porsyento.
Nasa ikatlong puwesto naman ang neoplasms o cancer na mayroong 31,487 nasawi o 10.1 porsyento.
Nasa 20,107 naman ang nasawi dahil sa diabetes habang nasa 17,999 ang nasawi sa hypertensive diseases.
Nasa ika-sampung puwesto naman ang sakit na COVID-19 kung saan nasa 12,083 deaths ang nasawi.
Ayon pa sa PSA, ang Metro Manila ang nakapagtala ng may pinakamataas na bilang ng nasawi sa COVID-19 na umabot sa 2,986 o 24.7 porsyento kasunod ang Calabarzon na may 1,856 na nasawi o 15.4 porsyento at Central Luzon na may 1,573 na nasawi o 13 porsyento.