Vargas: LGUs, bigyan pansin pa ang healthy lifestyle

October 27, 2022 - 02:36 PM
Sinabi ni Quezon City Councilor Alfred Vargas na dapat magpatupad ang mga local government units (LGUs) ng mga programang nagpapalaganap ng health awareness at healthy lifestyles. Ayon kay Vargas, kailangang paigtingin pa ang pag-iwas sa mga sakit tulad ng cancer, diabetes, hypertension, chronic kidney disease at ibang non-communicable diseases (NCDs). Sa ulat ng World Health Organization (WHO), humigit-kumulang 68% ng pagkamatay sa bansa ay dulot ng NCDs. “Mahal magkasakit kaya’t totoong ‘an ounce of prevention is better than a pound of cure.’ Dapat bigyang pansin pa ng mga LGUs kung paano natin masusuportahan ang ating mga kababayan na maging mas malusog, lalo na sa lifestyle choices nila,” dagdag ni Vargas. Bilang halimbawa, naghain si Vargas ng dalawang panukala sa Quezon City Council na nagpapalakas sa health promotion initiatives ng lungsod. Ayon kay Vargas, sinusuportahan ng mga ito ang mga epektibong programang pangkalusugang inilunsad ng lungsod sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte. Sa isang resolusyon, minungkahi ni Vargas na i-adopt ng lungsod ang Health Promotion Framework Strategy 2030 ng Department of Health (DOH) na nagbibigay prioridad sa risk factors ng NCDs tulad ng paninigarilyo. Sa isa namang ordinansa, nais ni Vargas na hirangin ang mga barangay o community health workers ng syudad bilang Health Education Promotion Officers (HEPOs). Bibigyan din sila ng panukala ng additional training at incentives. “Mahalaga na maituro sa ating mga kababayan ang mga tamang kaalaman para makaiwas sa sakit. Matutulungan natin silang gumawa ng mga tamang desisyon na nakakabuti ng kanilang kalusugan at ng kanilang pamilya,” salaysay ni Vargas. Gayundin, binigyang diin ng konsehal ang kahalagahan ng investment sa health facilities at infrastructure, pagbibigay ng health assistance sa mga mahihirap, at pagsasaayos sa working conditions ng health workers, na aniya ay hindi dapat pabayaan. “Bilang pangunahing may-akda ng National Integrated Cancer Control Act, alam nating kung gaano kakumplikado ang paglutas sa mga karamdaman. Maraming kailangang harapin sa pagsasaayos ng ating public health system. Ang health promotion ay mahalagang haligi nito at dapat palakasin pa ng lahat ng LGUs dito sa Pilipinas,” ani Vargas.

TAGS: alfred vargas, Health, lifestyle, alfred vargas, Health, lifestyle

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.