Nawalan ng suplay ng kuryente ang ilang bahagi ng Mindanao kasunod nang pambobomba sa isang transmission tower sa Lanao del Norte kahapon ng hapon.
Ayon sa National Grid Corp., of the Phils. (NGCP) kabilang sa mga nakakaranas na unscheduled rotational power interruptions ang Zamboanga Peninsula, Misamis Occidental at ilang bahagi ng Lanao del Norte.
“We have other facilities serving affected areas, kaya ‘di naman blackout, rotational lang,” paglilinaw ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza.
Nabatid na pinasabugan at natumba ang Tower 8 sa Barangay Bagombayan sa bayan ng Kauswagan kayat napilitan ang NGCP na magbawas ng suplay ng kuryente.
Nakumpirma na improvised explosive device (IED) ang ginamit sa insidente.
May natagpuan din na sugatang tao malapit sa tower, ngunit hindi pa tiyak kung may nalalaman ito sa pambobomba.
Binabantayan na ng mga awtoridad an gang lugar para mapabilis ang pagsasaayos sa bumagsak na power tower.