Inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na 1,500 sa kanilang mga tauhan ang tutulong para sa maayos at mapayapang paggunita ng Undas ngayon taon.
Sinabi ni MMDA acting Chairman Carlo Dimayuga III ang ipapakalat nilang mga tauhan ay mula sa kanilang Traffic Discipline Office, Road Emergency Group, Metro Parkways Clearing Group, at Task Force Special Operations.
Kasunod ito nang pagpapatupad ng ‘Oplan Undas 2022’ simula sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Aniya ipapakalat nila ang kanilang mga tauhan sa mga lansangan na patungo sa mga sementeryo at libingan, bukod sa mga daan na papasok at palabas ng Metro Manila.
Una nang nagsagawa ng inspeksyon si Dimayuga sa mga bus terminals sa Cubao, Quezon City at paalala niya tanging ang provincial buses lang ang maaring gumamit ng ‘backdoor exits’ para hindi maiwasan ang traffic sa EDSA.
Suspindido, ayon pa kay Dimayuga, ang number coding scheme sa Oktubre 31 at Nobyembre 1.
Iiral din ang ‘no day off, no absent’ policy sa kanilang traffic enforcers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.