Kaligtasan ng pamilya Mabasa pinatitiyak ni Sen. Risa Hontiveros sa gobyerno
Hiniling ni Senator Risa Hontiveros sa gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng naulilang pamilya ni Percy Lapid, ang broadcaster na pinatay noong Oktubre 3.
Dinalaw ni Hontiveros ang pamilya base na rin sa kahilingan ng mga ito.
Ayon kay Hontiveros agad na ipinaalam sa kanya ng pamilya ang mga natatanggap na pagbabanta sa kanilang buhay.
“Nangangamba ang buong pamilya ni Percy. Ang mga anak ni Percy ay pinapadalahan ng mga pagbabanta sa Facebook o sa personal nilang mga cellphone numbers,” ani Hontiveros.
Pagbabahagi pa ng senadora hindi siya kumbinsido na maituturing na naresolba na ang kaso ng pagpatay kay Lapid, na Percival Mabasa sa tunay na buhay.
Ani Hontiveros maging ang naulilang pamilya ay hindi sang-ayon sa naging pahayag ng pambansang pulisya na naresolba na ang kaso.
Ang mga pagbabanta sa pamilya Mabasa ay unang isinapubliko ni Roy Mabasa, kapatid ng biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.