Sa pagbusisi sa K – 12 Program ng Department of Education (DepEd), sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na kailangan na maglatag ng mga istratehiya para sa pagta-trabaho ng graduates.
Sinabi ito ni Gatchalian matapos hikayatin ni Education Sec. Sara Duterte ang pribadong sektor na kumuha ng K – 12 graduates.
Ito rin ang naging apila ni Trade Sec. Alfredo Pascual.
Ipinunto ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education na higit 20 porsiyento lamang sa SHS graduates ang nakapag-trabaho at 70 porsiyento naman ang ipinagpatuloy ang pag-aaral.
“Sa gagawin nating pag-aaral ng K to 12, tututukan natin kung paano natin matutupad ang pangakong trabaho para sa mga graduate ng senior high school. Kailangang maramdaman ng ating mga magulang na hindi lamang dagdag gastos, kundi may totoong benepisyo ang dagdag na dalawang taon sa high school,” sabi pa ni Gatchalian.