Ngayon papalapit na muli ang Kapaskuhan, napuna ang patuloy na pagbaha ng mga imported frozen chicken sa mga palengke at supermarkets.
Base sa datos, noong nakaraang Enero, higit 24.1 milyong karne ng frozen chicken ang naipasok sa bansa at humataw ito sa pinakamataas na higit 45.6 milyong kilo noong Hunyo.
Noong Agosto bumaba muli ito sa higit 32.2 milyong kilo.
Gayunpaman, kahit mura ang imported chicken mas tinatangkilik pa rin ng mga konsyumer ang sariwang katay na manok.
Pinatunayan ito ni Rey Barbedua, isang tindero ng karne ng manok, at aniya mas marami pa rin sa kanyang mga suki ang hinahanap ang sariwang katay kaysa sa imported na manok bagamat bahagyang mas mura ang huli.
Aniya mas may tiwala ang mga mamimili sa mga sariwang katay dahil mas malasa ito, samantalang ang frozen chicken ay hindi nakakatiyak sa maaring maging epekto sa kalusugan.
Si Jercy Lontoc, na reseller ng karne ng manok, sinabi na mas hinahanap din sa kanya ang sariwang katay dahil pagdadahilan ng mga mamimili hindi sila tiyak sa pinagmulan at pinagdaanan ng mga inangkat na manok.
Apila lang niya tulungan ng gobyerno ang lokal na industriya ng pagmamanok sa pamamagitan nang pagtuturo ng mga makabagong teknolohiya sa pag-aalaga.