2 pulis sa Davao Oriental, arestado sa paggamit ng droga
Dalawang pulis mula sa Mati City ang inaresto matapos na magpositibo sa isinagawang random drug testing ng Davao Oriental Provincial Police Office (DOPPO).
Ayon kay DOPPO Director Supt. Harry Espela, hindi umano inaasahan ng Mati City Police ang nabanggit na drug testing na ipinag-utos ng Acting Chief of Police ng lungsod na si Chief Inspector Noel Asumen.
Base sa resulta ng laboratory sample, nagpositibo sa paggamit ng shabu sina SPO4 Nollo Barsaman at PO2 Jesus Mante Jr.
Kaagad na sinampahan ng kaso sa piskalya si Barsaman na nahulihan pa ng mga drug paraphernalia habang nahaharap naman sa kasong administratibo si Mante.
Ayon kay Espela, magsasagawa pa sila ulit ng random drug testing bilang bahagi ng inumpisahang crackdown ng Police Regional Office (PRO) 11 sa lahat ng police units ng DOPPO para matiyak na malinis ang kanilang mga tauhan sa ipinagbabawal na gamot o sangkot sa sindikato ng illegal drugs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.