DepEd officials turuan sa laptop procurement fiasco

Muling nagturuan ang ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagbili noong nakaraang taon ng P2.4 bilyong halaga ng laptops para sa public school teachers.

Nagsimula ang turuan nang iprisinta ni Sen. Francis Tolentino, ang namumuno sa komite, ang palitan ng mga mensahe ng mga may kinalaman sa pagbili ng sinasabing ‘overpriced and outdated laptops sa pamamagitan ng viber.

Una nang isinalarawan ni Tolentino na ‘very damaging’ ang mga mensahe para sa mga ilang sangkot sa pagbili ng laptops.

Ngunit sa pagtatapos ng pagdinig, sinabi ng senador na ayaw niya munang kilalanin ang mga posibleng mairekomenda na maharap sa kasong plunder at katiwalian.

Katuwiran pa nito, kinakailangan pa din na ibahagi niya sa mga senador na miyembro ng komite ang mga nakalap niyang dokumento at tatalakayin pa nila ang mga maaring maging rekomendasyon sa isusumite niyang committee final report.

Ipinaliwanag na rin ang kinatawan ng Commission on Audit (COA) ang ginawa nilang paghahambing sa biniling laptops, na ginawa sa China, at sa iba pang laptops sa merkado.

Kumbinsido din si Tolentino na may sabwatan sa pagbili ng mga pinunang laptops.

Sa nasabi din pagdinig, nabunyag na may mga ‘non-teaching personnel’ ang nabigyan ng laptops,’ bukod pa sa may nagsoli ng laptops at may laptops din na hanggang noong Agosto ay hindi pa naipapamahagi.

Target ni Tolentino na mailatag sa plenaryo ng Senado ang final committee report bago matapos ang buwan ng Nobyembre.

Binigyan niya ng 15 araw o hanggang Nobyembre 4 ang mga naiturong indibiduwal sa pagdinig para magpaliwanag o sagutin ang mga naging alegasyon sa kanila.

Iniiwasan aniya niya na mapagbintangan sila na hindi binigyan ng pantay na pagkakataon ang mga ito na makapagpaliwanag o depensahan ang kanilang mga sarili.

Inanunsiyo na rin ni Tolentino na wala siyang sasantuhin sa kanyang magiging rekomendasyon.

 

Read more...