Nahaharap sa kasong statutory rape ang isang isang tricycle driver matapos halayin ang isang siyam na taong gulang na batang babae sa Baseco compound Tondo, Maynila.
Nakakulong na sa Station 1 ng Manila Police District (MPD) ang suspek na nakilalang si Aman Alaodin, residente ng Brgy. 649 sa Baseco.
Ayon kay Maritess Dela Cruz, officer in charge ng barangay council for the protection of children, madaling araw ng pasukin ng suspek ang bahay ng biktima kung saan tanging ito ang naiwan kasama ang isang taon at limang taong gulang na mga kapatid na lalaki.
Kumatok umano ang suspek, at sa pag-aakalang Nanay nila ito ay agad nilang pinagbuksan.
Dito na bigla na lamang hinubaran at ginahasa ang walang kalaban-laban na biktima.
Matapos ang insidente, agad na nagsumbong ang biktima sa mga kapitbahay dahilan para agad na maaresto ang suspek na mariing itinanggi ang krimen.
Inaalam pa naman ng pulisya kung lango sa droga ang suspek ng ginawa nito ang panggagahasa.