410 na pamilya nakinabang sa pabahay ng NHA

(Courtesy: NHA)

Aabot sa 410 na housing units ang ipinamahagi ng national Housing Authority sa Laguna, Rizal at Cavite.

Ayon kay NHA Regional Manager Roderick Ibañez, bahagi ng paggunita sa 47th anniversary ng NHA ang pamamahagi ng Certificate of Eligibility for Lot Award (CELA) sa pangunguna ni General Manager Joeben Tai.

“Isa sa mga dahilan kung bakit kaming mga nasa National Housing Authority ay nagpapatuloy na magtrabaho sapagkat kapag nakikita namin na may buhay na nagbabago, natutulungan ng gobyerno at nagiging masaya, sapat na kabayaran sa amin ito,” pahayag ni Ibañez.

Ayon kay Ibañez, 300 na pamilya ang nakatira ngayon sa Rancho Verde 1 at 2 at Ericka Louise Ville sa Bacoor, Cavite.  Ito aniya ang mga naapektuhan sa Supreme Court Mandamus na i-rehabilitate ang Manila Bay.

Sampung pamilya mula naman sa Calamba ang naapektuhan sa Supreme Court Mandamus at binigyan ng pabahay sa La Vista de Calamba.

Nasa 100 na pamilya naman sa Cainta na naapektuhan ng konstruksyon ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang inilipat sa Hermosa Ville sa Baras, Rizal.

Ayon kay Ibañez, lahat ng ibinigay na pabahay ay nasa ilalim ng NHA’s Resettlement Program.

 

Read more...