Kamara bigong i-overrride ang veto ni PNoy sa SSS pension hike bill

 

Kuha ni Isa Avendaño-Umali

Bigo ang Kamara na ma-override ang veto ni Pangulong Aquino sa panukalang Social Security System (SSS) pension hike sa huling sesyon ng 16th Congress.

Nagka-iringan pa ang mga mambabatas kaugnay dito, dahil ilan sa kanila ay hindi na sinang-ayunan ang pag-talakay sa override.

Habang nasa sesyon, sinabi ni Deputy Speaker Giorgidi Aggabao na hindi na maaring talakayin ng Kamara ang override dahil nakapag-adjourn sine die na ang Senado nang manawagan si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ng botohan ukol dito.

Iginiit rin ni Ilocos Norte Rep. Rudy Fariñas na dapat parehong kapulungan ng Kongreso ang magko-konsidera sa pag-override ng presidential veto, alinsunod na rin sa Konstitusyon.

Ani pa Fariñas, sakali mang bumoto pabor dito ang two-thirds ng Kamara, kailangan pa rin itong ipasa sa Senado kaya mawawalan rin lang ito ng saysay.

Para naman kay Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, nawalan na ng pagkakataon ang Kamara na patunayan ang kanilang pagkaka-sarinlan mula sa Senado at Malacañang.

Ganoon din ang pananaw ni Manila Rep. Amado Bagatsing, at aniya’y nag-mistulang inutil tuloy ang Kamara dahil naging “hopeless” na sila sa pag-sine die ng Senado.

Nanghinayang naman ang proponent ng override na si Colmenares, dahil iyon na aniya sana ang oportunidad nila na makagawa ng kasaysayan sa pag-override ng presidential veto.

Nakagawa rin sana aniya sila ng malakas na legislative intervention para paboran ang mga pangangailangan ng mga senior citizens.

Naniniwala naman si Majority leader Neptali Gonzales na mawawala ang saysay ng pag-override kung nais lang nilang iparating ang mensahe na sila ay independent sa Senado at ehekutibo.

Hindi aniya ito ang nakasaad na dapat maging batayan ng pag-override ng presidential veto sa Konstitusyon.

Read more...